Mga posibleng hakbang para tugunan at maiwasan ang banta ng heat stroke ngayong tag-init, iginiit ni Sen. Legarda

Pinaglalatag ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang bawat lugar sa bansa ng mga hakbang para tugunan ang banta ng heat stroke sa gitna na rin ng panahon ng tag-init na hindi lang mga matatanda ang nakararanas kundi maging ang mga kabataan.

Ayon kay Legarda, sa lalo pang pagtaas ng temperatura bunsod ng sobrang init, mas maraming buhay ang mapapahamak.

Giit ng senadora, kailangang maglatag na ng agarang mga aksyon para tugunan ang banta sa tag-init kabilang ang malawakang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa first aid measures sa heat stroke, pagpapadala ng mga LGU ng babala tungkol sa init sa pamamagitan ng text messages sa mga nasasakupan at pagpapatunog ng siren warnings kapag ang temperatura ay humantong na sa dangerous level.


Pinatututukan din sa mga LGU ang kalagayan ng mga outdoor worker na babad sa bilad ng araw dahil sa kanilang trabaho bago pa man maging banta ang sobrang init sa kanilang kalusugan at kapakanan.

Ilan naman sa iminumungkahi ng senadora para mabawasan ang nararamdamang init ay ang pagtatanim ng mga maliliit na puno sa bawat lugar tulad ng kamuning at banaba na mabilis lamang patubuin at makatutulong sa pagpapabuti ng air quality.

Isinusulong din ni Legarda ang pag-amyenda sa batas na Land Use Development and Infrastructure Plan (LUDIP) sa mga State Universities and Colleges (SUCs) kung saan isasama rito ang mandato para sa biodiversity improvements tulad ng mga puno dagdag pa rito ang pagtutulak ng dagdag na panukala para sa green campuses sa primary at secondary levels.

Matatandaang kamakailan lang ay mahigit 100 estudyante sa Laguna ang naisugod sa ospital matapos makaranas ng hilo at himatayin sa isinagawang fire drill sa gitna ng napakainit na panahon habang kinumpirma rin sa isang paaralan sa Makati ang pagkasawi ng isang student-athlete matapos mag-collapse sa gitna ng football varsity game.

Facebook Comments