Mga posibleng paglabag ng PNP-CIDG sa pag-aresto kay FPRRD, tinukoy sa pagdinig ng Senado

Tinukoy ng ilang mga senador ang naging paglabag ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naging pagdinig ng Senado patungkol sa naging proseso ng pagdakip ng Interpol at International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte, tinukoy ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Imee Marcos ang paglabag ng PNP-CIDG sa kanilang standard operating procedures kapag may aarestuhin kung saan bawal gumamit ng pwersa, karahasan, pagbabanta, intimidation o iba pang paraan na makakahadlang sa free will ng isang inaarestong indibidwal.

Ito’y matapos aminin ni PNP-CIDG Director P/MGen. Nicolas Torre III na gumamit siya ng pwersa laban sa mga legal counsel ng dating pangulo na sina Atty. Salvador Medialdea at Atty. Martin Delgra III dahil sa “obstruction of justice”.


Maliban dito, pinuna rin ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang hindi pagpapasok ni Torre kay Vice President Sara Duterte sa loob ng Villamor Airbase.

Giit ni Estrada, pinapayagan ng batas ang mga immediate family members na bumisita sa akusado sa loob ng 24 oras at dapat binigyan ng kortesiya ang vice president lalo’t hindi pa naman nakakulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular na tinukoy ni Sen. Marcos ang posibleng paglabag sa Republic Act 7438 kung saan ginagarantiya rito ang access ng isang akusado sa kanyang pamilya, mga abogado, medical doctor, pari o religious minister, non-governmental organizations (NGOs), CHR at international NGOs na accredited ng Office of the President.

Facebook Comments