Iginiit ni Senator Chiz Escudero na dapat tutukan din ng Senado sa kanilang imbestigasyon ang mga power generation plants at mga distribution companies kaugnay sa malawakang blackout sa Panay Island.
Suportado ni Escudero ang pagsisiyasat ng Mataas na Kapulungan sa malawakang power outage sa Panay at Guimaras Islands pero aniya hindi lang dapat ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang tutukan ng imbestigasyon.
Aniya, dapat ay kasama rin sa maimbestigahan ang mga power generation plants na nag-shutdown ng walang kaukaulang notice gayundin ang mga distribution companies.
Punto ni Escudero, may tatlong components ang power ito ay ang generation, transmission at distribution.
Kaya kailangan na imbestigahan lahat ng ito para makita ang kumpletong larawan sa naging dahilan ng power outage sa halip na magturuan at magsisihan.
Sa ganitong paraan aniya ay maayos na matatalakay kung paano maiiwasan na muling mangyari ang malawakang brownout sa Panay Island.
Sa January 10 naman itinakda ng Senado ang pagdaraos ng imbestigasyon sa power outage na nakaapekto sa buong Western Visayas.