Mga power supplier sa Luzon, pinaghahanda sa posibilidad ng ‘disaster ashfall’ ng Bulkang Taal

Pinaghahanda ng Kamara ang mga power suppliers sa Luzon sa posibilidad ng “ashfall disaster” sakaling mangyari ang pinangangambahang malakas na pagputok ng Bulkang Taal.

Nababahala si Makati City Rep. Luis Campos Jr. sa katatagan ng power supply sa Luzon grid dahil sa banta ng volcanic ashfall ng Taal lalo pa’t delikado ito sa mga power infrastructure na karamihan ay matatagpuan sa Batangas City, Munisipalidad ng Calaca at Talisay na malapit lamang sa Bulkang Taal.

Dahil dito, dapat na paghandaan ng buong power sector, mula generation transmission hanggang distribution, ang “worst case scenario” na maaaring maidulot ng matinding ashfall ng bulkan.


“Our worry is volcanic ashfall, which could pose a hazard to Luzon’s power infrastructure, considering the high concentration of power plants in nearby Batangas City and the Municipality of Calaca,” sabi ni Campos.

Pinayuhan ni Campos ang mga power suppliers na magkaroon ng operational plans at maintenance work para matiyak na tuloy pa rin ang operasyon ng mga power plants.

“They should have operational plans that will enable them to run their critical functions, including maintenance work, even with ashfall,” anang mambabatas.

Hinimok din ng kongresista ang power sector na mag-adopt ng risk mitigation at disaster recovery plans para maiwasan ang tuluyang pagkasira ng mga planta at para makabalik agad sa operasyon sakaling kailanganin ang pagpapatigil muna dito.

“We would urge them to adopt risk mitigation and disaster recovery plans to minimize disruptions and to quickly restart operations should temporary stoppages become unavoidable,” sabi pa ng mambabatas.

Hanggang sa kasalukuyan ay nakataas pa rin sa alert level 3 ang Bulkang Taal at patuloy pa ring binabantayan ang pagaalburuto nito.

Facebook Comments