Mga presidential candidate, hinamon ng Kamara na ilatag ang kanilang mga posisyon kaugnay sa ChaCha

Hinamon ngayon ng Kamara ang mga presidential aspirant na ibunyag ang kanilang posisyon kaugnay sa political Charter Change (ChaCha).

Ginawa ang hamon bunsod na rin ng inaasahang debate na inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) para sa mga tatakbo sa pagkapangulo ngayong 2022 elections.

Ilang kongresista ang nagtulak ng political ChaCha sa pamamagitan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution na hindi naman naipursigi bunsod ng nangyaring pandemya.


Kabilang sa isinusulong ang dalawang termino na may tig-limang taon para sa pangulo kung saan may pagkakataon ang isang naluklok na presidente na mahalal muli sa ikalawang pagkakataon at makapagsilbi ng 10 taon.

Sa ganitong paraan, kung mananalo ulit sa ikalawang pagkakataon ang isang pangulo ay may tyansang ipagpatuloy pa ang mga nasimulang proyekto, programa at mga reporma.

Hindi naman ito maganda para sa mga unpopular president dahil ang anim na taon sa isang termino noon ay mababawasan pa.

Ipinunto pa na kung sakali masali sa debate ang usaping ChaCha ay hindi masasabing may “conflict of interest” o pansariling interes ito ng mga kandidato dahil ang mananalo namang pangulo ay sakop pa rin ng kasalukuyang konstitusyon at sakaling magkaroon nga ng ChaCha ito naman ay mag-a-apply na sa susunod na presidente pa sa 2028.

Facebook Comments