Aatasan ni Justice Sec Menardo Guevarra ang Bureau of Immigration na ilagay sa ILBO o Immigration Lookout Bulletin Order ang mga bilanggong napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance law.
Layon nito na matiyak na hindi makakalabas ng bansa ang mga presong nakalaya sa GCTA lalo na ang may mga nagawang karumal-dumal na krimen.
Hinimok din ni Guevarra ang mga nakalaya nang convicts na nais sumuko na magtungo lamang sa mga himpilan ng pulisya o di kaya ay sa military units.
Ang PNP o AFP na aniya ang bahalang makipag-ugnayan sa Bureau of Corrections para sa turnover ng kustodiya.
Labing-limang araw lamang ang binigay ng Pangulong Duterte sa mga nakalayang bilanggo para sumuko.
Samantala, sa isang text message sinabi ni Secretary Guevarra na agad siyang magtatalaga ng Officer in Charge (OIC) sa BuCor.
Posible aniyang isa sa dalawang deputy director generals ng BuCor ang maging OIC.