Ibinabala ni Senator Imee Marcos ang peligrong magsara ang private at government hospitals dahil sa paghina ng kanilang kapasidad na labanan ang pandemya.
Ayon kay Marcos, ito ay dahil sa patuloy na pagkaantala ng pagbayad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga government at private hospital para sa ginastos nila hinggil sa COVID-19.
Base sa mga reklamong nakarating kay Marcos, ay halos nasa P26 billion pa ang hindi nabayarang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital pa lang, habang sa mga government hospital nama’y nasa daan-daang milyong piso pa.
Apela ni Marcos, sana ay huwag nang hintayin ng PhilHealth maging sanhi ito ng kanilang pagsasara o kabiguang mapaghandaan ang posibleFTRng pagkalat ng kinatatakutang Delta variant.
“Base sa mga reklamong nakakarating sa aming tanggapan ay halos nasa Php26 billion pa ang hindi nabayarang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital pa lang, habang sa mga government hospital nama’y nasa daan-daang milyon pa,” ani Marcos.
“Wag na nating hintayin pang maging sanhi ito ng kanilang pagsasara o pabayaan silang hindi maging handa sa posibleng pagkalat ng kinatatakutang Delta variant,” anang senador.
Kamakailan ay inanunsyo ng PhilHealth na naglabas na ito ng nasa P6.3 billion sa pamamagitan ng bagong sistema ng pagbabayad sa mga ospital na ‘Debit Credit Payment Method’ o DCPM na sinimulan noong Abril.
Pero ayon kay Marcos, kulang pa rin ang bayad ng PhilHealth sa mga ospital dahil hindi nasama sa DCPM ang mga di pa rin nababayarang gastos ng mga ospital para sa COVID-19 treatment nitong nakaraang taon.
“Kailangang klaruhin ng Philhealth ang hindi pagkakatugma sa sinasabi nilang nabayaran na at ang aktwal na natanggap ng mga ospital. ‘Wag na nating hintayin na kumalat ang Delta variant bago pa tayo kumilos,” sabi ng mambabatas.
Tinukoy din ni Marcos ang pahayag ng Private Hospitals Association of the Philippines na nakadagdag pa sa delay ng reimbursement o pagbabayad ng PhilHealth ang hindi pagrereklamo ng mga ospital na hindi pa rin nababayaran dahil sa pangambang bweltahan sila ng ahensya.