Mga pribadong ospital, posibleng mapuno sa susunod na tatlo hanggang apat na linggo kung hindi mapipigilan ang pagsipa ng COVID-19 cases – PHAP

Posibleng maabot ng mga pribadong ospital ang full capacity nito sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo kung magpapatuloy ang upward trend ng COVID-19 cases.

Ito ang pangamba ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) kasunod ng naitatalang halos 3,000 o higit pang bagong kaso ng COVID-19 kada araw mula noong nakalipas na linggo.

Kahapon, nasa 3,749 new COVID-19 cases ang naitala ng Department of Health (DOH) na pinakamataas na kasong naitala mula noong September 2020.


Ayon kay PHAP President Dr. Jose Rene De Grano, ang 10% hanggang 15% na pagtaas sa COVID-19 bed occupancy rate ng mga pribadong ospital ay posibleng dulot ng mga bagong variants, pagluluwag sa mga health protocols at pagbubukas ng ekonomiya.

Aniya, maiiwasang mapuno ang mga ospital kung istriktong maipatutupad ang health protocols.

Sa ngayon, kailangan nila ng tulong mula sa gobyerno para resolbahin ang problema sa funding, staffing at vaccination.

Paliwanag ni De Grano, bumaba ang kita ng mga ospital nang magsimula ang pandemya habang maraming nurse ang nag-resign para mag-abroad at lumipat sa mga government facility.

Dahil dito, napipilitan silang limitahan ang bilang ng mga kama na maaari nilang ipagamit sa mga pasyenteng may COVID-19.

Sa usapin naman ng pagbabakuna, may mga miyembro aniya sila na hindi nabigyan ng COVID-19 vaccines para sa kanilang health care staff.

Facebook Comments