Mga pribadong paaralan, handa na August 24 school opening kahit inurong ng DepEd

Nasupresa ang mga pribadong eskwelahan sa anunsyo ng Department of Education (DepEd) na ang pagbubukas ng klase ay inurong sa October 5, 2020 mula sa orihinal na schedule na August 24.

Sa statement ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), ang private school sector ay handa para sa pagbubukas ng klase kasabay ng pagpapatupad ng distance learning sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Nakatulong ang COVID-19 pandemic para magkaroon ng innovation sa sektor ng pribadong edukasyon.


Ang mga guro, administrators at iba pang school personnel ay nag-isip ng iba’t ibang makabagong paraan para suportahan ang mga estudyante na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral

Dagdag pa ng COCOPEA, may ilang private schools na ang nagbukas ng kanilang School Year nitong Hulyo.

Pinalilinaw rin ng COCOPEA sa DepEd kung ang mga pribadong eskwelahan ay kailangang i-antala ang kanilang academic year dahil na rin sa pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.

Ang private schools ay binibigyan ng option na i-urong ang kanilang pagbubukas ng klase sa anumang petsa na hindi lalagpas sa October 5 habang ang ilang eskwelahan ay maaaring ipagpatuloy ang kanilang opening ngayong buwan.

Umapela rin ang COCOPEA kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang mga pribadong eskwelahan na magbukas ng maaga.

Paglilinaw naman ni Education Secretary Leonor Briones na ang mga pribadong eskwelahan na nagsimula na ng kanilang klase ay maaaring magpatuloy.

Facebook Comments