Hindi obligado ang mga pribadong paaralan na i-adjust ang kanilang academic calendar katulad sa public schools para sa unti-unting pagbabalik ng school year sa Hunyo hanggang Marso.
Ito ang nilinaw ng Department of Education (DepEd) kasunod ng paglalabas ng Department Order 003 na nagtatakda sa End of School Year 2023-2024 sa May 31, 2024 para sa mga pampublikong paaralan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, may kalayaan ang mga pribadong paaralan na panatilihin ang kanilang orihinal na academic calendar o kung ano man ang nais nila.
May ilang private schools kasi aniya ang nagbukas ng klase noong July o June 2023 pero mayroon ding sumabay sa opening ng public schools noong August 2023.
Matatandaang itinakda ng ahensya ang pagsisimula ng School Year 2024-2025 sa mga pampublikong paaralan sa July 29, 2024 at matatapos sa May 16, 2025.
Batay naman sa pagtataya ng DepEd, inaasahang babalik ang June to March academic calendar sa school year 2026-2027.