Aabot na sa 425 ang bilang ng mga pribadong paaralan sa bansa ang nagsara sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa, mahigit 20,000 estudyante ang naapektuhan ng mga pagsasara mula 2020 hanggang 2022, kung saan higit 10,000 sa mga ito ay lumipat muna sa mga pampublikong paaralan.
Dahil dito, pinag-aaralan na ng DepEd ang mga hakbang kung paano matutulungan ang mga nagsarang paaralan.
Matatandaang kamakailan lamang ay biglaang nagsara ang pribadong paaralan na Colegio de San Lorenzo (CDSL) sa Quezon City.
Inihayag naman ni Poa na nakipag-usap na kahapon ang mga opisyal ng CDSL sa DepEd –NCR kung saan tinayak ng paaralan na tutulong ito sa pagtatransfer sa mga mag-aaral na apektado ng biglaang pagsasara.