Mga private at passenger planes na umalis noong araw na tumakas si Alice Guo, pinasisilip sa CAAP ng Senado

Pinakikilos ni Senator Grace Poe ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na alamin ang mga private at passenger planes na umalis ng bansa o sa araw kung kailan tumakas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Poe, pagdating sa mga pangunahing airports sa bansa ay mayroong immigration at airport security group na nagche-check sa mga pasahero at umaalis na eroplano.

Magkagayunman, pinatututukan ni Poe ang ibang mga paliparan na malapit sa mga PEZA o Philippine Economic Zone Authority na mayroong mga private at chartered planes.


Pinakukuha ni Poe sa CAAP ang master list ng lahat ng eroplano na nag-take-off o lumipad paalis ng bansa papuntang Malaysia noong July 18.

Iminungkahi rin ni Poe na imbestigahan kung may polisiya o patakaran ang mga paliparan para masuri ang mga pasahero ng mga private planes bago payagang makaalis o makapasok ng bansa.

Aniya, kahit may mga CCTVs na sa bawat gates ng airport ay may mga pagkakataon na pumapasok sa side entrance ng gate ang mga ito at dito’y malayang naipupuslit ang mga pasahero palabas ng bansa.

Facebook Comments