Magbibigay ng alternatibong trabaho ang Department of Education (DepEd) sa mga private school teacher na apektado ng COVID-19 sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, gagawing online tutors ng DepEd ang mga guro sa mga pribadong paaralan na nawalan ng trabaho sa community quarantine.
Ito aniya ang naging resulta ng pulong nila ni Education Secretary Leonor Briones matapos magbigay ng update kaugnay sa kanilang mga hakbang partikular sa new normal sa paaralan.
Ang pagiging online tutor ng mga private school teacher ang nakikitang tulong na maaaring maibigay ng kagawaran lalo pa’t hindi pa magkakaroon ng face to face classes at karamihan ng mga estudyante ay sasailalim sa home schooling.
Tinalakay din sa kanilang pulong ang pagkunsidera ng kamara na ilipat ang budget para sa mga libro na gagamitin sa production ng blended learning materials na ipapamahagi sa mga magulang at mga estudyante.