Kinalampag ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) para bigyan ng tulong ang mga guro sa pribadong sektor.
Ayon kay Castro, nakatanggap umano siya ng mga reklamo na walang ayuda na inilaan ang pamahalaan para sa mga private school teachers ngayong may Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Giit ng lady solon, maraming mga pribadong guro ang contractual at ‘no-work-no-pay na dapat ay mapasama sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Tinukoy pa ni Castro na hindi kasama sa SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga public at private school teachers at marami rin sa mga private schools ang hindi nakaabot sa deadline ng DOLE para sa ₱5,000 one-time assistance sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Hindi rin ikinukunsidera na bahagi ng MSMEs ang mga pribadong paaralan kaya hindi rin ito maka-avail ng amelioration program.
Giit ni Castro, hindi naman ligtas sa epekto ng COVID-19 ang mga pribadong guro kaya umaapela ito sa pamahalaan na mabigyan din ng financial assistance ang mga ito ngayong nasa ika-anim na linggo na tayo ng ECQ.