Nananawagan ang ilang kongresista na mabuting itigil na ang pagsasagawa ng mga rally bilang suporta kay Pastor Apollo Quiboloy na nahahaluan ng pulitika o pagbatikos kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., at sa kanyang administrasyon.
Diin ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, ang mga prayer rally na sa halip dasal ay may ibang ipinararating ay hindi nakakatulong sa takbo ng ating bansa lalo at patuloy pa tayong bumabangon mula sa epekto ng pandemya.
Sinabi naman ni Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun na ang isinagawang pro-Quiboloy rally ay walang ambag sa bansa dahil puro poot at masakit na salita ang binibitawan sa naturang pagtitipon.
Ipinaalala naman ni Malasakit@Bayanihan Party-list Rep. Anthony Rolando Golez Jr., ang kahalagahan na sumunod sa mga batas at regulasyon ang mga pampublikong pagtitipon.
Dismayado naman si 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez sa mga kontrobersyal na pahayag ng ilang personalidad na dumalo sa pagtitipon na tila nagsusulong na ng karahasan tulad ng pagbabanta ni dating Biliran Rep. Glenn Chong na sasampalin si First Lady Liza Araneta-Marcos.