Mga probinsyang may pinakamababang vaccination rate, tututukan sa second round ng “Bayanihan, Bakunahan”

Tututukan ng Department of Health (DOH) sa second round ng National Vaccination Drive na gaganapin sa December 15 hanggang 17 ang mga lugar sa bansa na may pinakamababang vaccination rate.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na magpapadala sila ng team sa mga probinsya na kakaunti pa lamang ang nababakunahan.

“Nung una po tayong nag-national vaccination days, talagang lahat po tinarget natin ano. So, ngayon po meron tayong mga iba’t ibang grupo ng mga volunteers kung saan minapa po natin yung mga probinsyang may pinakamababang pagbabakuna at doon po pupuntahan natin for us to focus on vaccinating the unvaccinated, focusing on the A2 and A3 population,” saad ni Vergeire.


Kaugnay nito, tiniyak din ni Vergeire na may sapat na suplay ng hiringgilya sa bansa na magagamit sa National Vaccination Days.

Sa kasalukuyan, mahigit 38.1 milyong Pilipino na ang fully vaccinated sa buong bansa.

Ito ay 50% ng 77.1 milyong target mabakunahan para maabot ang herd immunity.

Habang aabot na sa 609,000 ang nakatanggap ng booster shots.

Facebook Comments