Mga problema kaugnay sa sistema at pagpapakabit ng RFID stickers, dapat resolbahin na dahil nakakadagdag sa problema sa trapiko

Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) at toll operators para ayusin ang lumalalang trapiko sa mga expressway dulot ng mga pumipilang motorista na nagpapakabit ng Radio-Frequency Identification (RFID) sticker.

Mungkahi ni Gatchalian, maglagay ng mga karagdagang installation booths upang hindi maipon ang mga nagdadagsaang mga motorista na nagpapa-enroll para sa electronic toll collection system.

Tugon ito ni Gatchalian sa dumaraming reklamo ng mga motorista sa pagpapakabit ng RFID sticker kahit na ginawa nang installation lanes ang ilang regular toll lanes simula noong December 1.


Pinuna rin ng senador ang napabalitang depektibong RFID sensors na lalong nagpalala ng sitwasyon ng trapiko na lubhang perwisyo sa mga tao.

Napag-alaman ni Gatchalian na nitong mga nakaraang araw, naiipit ng halos tatlong oras sa traffic ang mga motoristang pabalik ng Valenzuela City sa North Luzon Expressway (NLEX) interchange dahil sa pumapalyang RFID sensor.

Giit ni Gatchalian sa toll operators, siguraduhing gumagana ang RFID sensors at nababasa nito ang bawat car sticker na dumadaan dahil ano pa ang silbi ng ganitong klase ng teknolohiya kung palpak naman ito.

Suportado ni Gatchalian na gawing cashless ang pagbabayad ng toll sa mga expressways lalo na’t hindi pa natin napipigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease pero dapat tiyakin na maayos ang pagpapatupad nito.

Facebook Comments