Hinikayat ni dating Senate Minority Leader Franklin Drilon ang 19th Congress na mas pagtuunan ang pagtugon sa mga problema ng bayan kumpara sa panukalang palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Giit ni Drilon, pangunahin sa mga suliraning mas dapat buhusan ng panahon ng mga mambabatas ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang kawalan ng trabaho, pagkagutom, ang ekonomiya at edukasyon ng mga kabataan.
Pahayag ito ni Drilon makaraang ihain sa Kamara ang panukalang batas na nagsusulong na palitan ang pangalan ng NAIA patungong Ferdinand E. Marcos International Airport.
Ang NAIA ay tinatawag na Manila International airport nung panahon ni dating Pangulong Marcos Sr., at naging NAIA noong 1987 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Cory Aquino.
Dagdag pa ni Drilon, ang nabanggit na usapin na isunod sa pangalan ng ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panglaan ng NAIA ay maari ding magdulot ng pagkakawatak-watak sa halip na magsulong ng pagkakaisa.