Mga problema ng bansa, tinalakay ng Makabayan congressmen kay Senator Koko Pimentel

Nakipagpulong ngayong hapon kay Senator Koko Pimentel sina dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares, dating ACT Party-list Rep. Antonio Tinio, at Bayan Secretary-General Renato Reyes.

Ayon kay Colmenares, tinalakay nila kay Pimentel ang hirap ng publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sabi pa ni Colmenares, kakaunti na lang silang natitirang oposisyon kaya nagpasya silang ilahad kay Pimentel ang kalagayan ng bansa at ang mga agenda ng mamamayan.


Magiging bahagi ng Senate Minority Bloc si Pimentel sa papasok na 19th Congress.

Sabi ni Colmenares, hinikayat nila si Pimentel na maisama sa isusulong nito na mga panukalang batas ang legislative agenda ng taumbayan tulad ng pag-alis sa excise tax na ipinapataw sa langis para mabawasan ang presyo nito.

Binanggit din ni Colmenares ang hinggil sa ayuda at kung may kokolektahin bang bagong buwis lalo na at grabe na ang utang ng gobyerno.

Sabi naman ni Pimentel, naging napaka-informative ng pulong niya sa Makabayan congressmen.

Facebook Comments