Dinispose na ng mga awtoridad ang mga produkto mula China na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF), ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Kasama ang Bureau of Animal Industry (BAI), isa-isang dinispose ng BOC ang ilang produkto tulad ng dumplings, pork-chicken balls at roast chicken wings na nakapangalan sa Dynamic M International Trading Inc.
Sa datos ng BOC, dumating sa Manila International Container Port noong Disyembre 11, 2019 ang mga produkto bago ito nasamsam noong Enero 24, 2020.
Ayon pa sa BOC, nakita ng veterinary quarantine services ng BAI na nagpositibo sa ASF ang sample ng pork-celery dumpling.
Sa pamamagitan ng thermolysis o thermal decomposition, dinispose ang mga produkto sa isang pasilidad ng Integrated Waste Management sa siyudad ng Trece Martires sa Cavite.
Matatandaan na unang nakumpirma ang kaso ng ASF noong Setyembre 2019, dahilan upang ipagbawal ang meat products mula sa mga bansang unang nakapagtala ng sakit.
Kasunod nito ay libo-libong mga baboy sa Luzon ang sumailalim sa culling upang pigilan ang pagkalat ng sakit at kamakailan lamang, nakumpirma na ring umabot sa Mindanao ang ASF.