Ikinakasa na ng House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Kabayan Party-list Rep. Ron Salo ang public consultation at pagdinig upang talakayin ang mga panukalang susuporta sa mga programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Salo, alinsunod sa direktiba ni Speaker Martin Romualdez ay pag-aaralan ng komite ang mga panukalang makakatulong sa OFWs, at magbibigay sa kanilang ng ibayong benepisyo.
Sabi ni Salo, tatanggap din ng briefing ang komite mula sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA) at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA kaugnay sa kasalukuyang mga tulong na ipinagkakaloob sa OFWs.
Binanggit ni Salo na kasama ring pag-aaralan ng komite ang paglikha ng pension system para sa mga OFWs na babayaran ng employer at OFW gayundin ang pagbibigay ng retraining sa kanila sa pamamagitan TESDA at mga katulad na programa ng gobyerno.