Pumalag si Malabon Mayor Antolin “Len Len” Oreta III sa banta sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang lungsod mula sa droga kundi ay ipapaaresto niya ito.
Sa kanyang social media accounts, sinabi ni Oreta na maigting na niyang ipinatutupad ang mga programa kontra droga sa malabon bago pa ang war on drugs ng Pangulo.
Patunay aniya ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa hakbang ng lokal na pamahalaan para mapuksa ang droga.
Giit ni Oreta, mula sa tatlo ay anim na ang bilang ng barangay sa Malabon sa idineklarang drug-free ng PDEA.
Ibig sabihin aniya, 40 percent ng lahat ng barangay sa Malabon ay drug-free na at isa ito sa pinakamataas na datos sa Metro Manila.
Sabi pa ni Oreta, ginawaran na rin sila ng DILG-NCR ng silver award para sa anti-drug abuse functionality audit dahil sa kanilang kampanya kontra droga.
Tiniyak ni Oreta na katuwang siya sa haranging maprotektahan ang bawat buhay at pamilya mula sa masamang epekto ng droga.