Friday, January 30, 2026

MGA PROGRAMA PARA SA MGA PWD SA ALAMINOS CITY, PINALALAKAS

Pinalalakas ng pamahalaang lungsod ng Alaminos ang mga programa at serbisyong nakalaan para sa persons with disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng isinagawang planning session ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO).

Isinagawa ang naturang gawain bilang bahagi ng patuloy na pagsusuri at pagpaplano upang matukoy ang mas angkop na mga hakbang, estratehiya, at inisyatibong tutugon sa pangangailangan ng sektor ng PWD sa lungsod.

Tinalakay sa sesyon ang mga umiiral na programa, mga hamong kinakaharap ng mga benepisyaryo, at mga posibleng paraan upang mapalawak ang saklaw at bisa ng mga serbisyo.

Kabilang sa mga usapin ang pagpapalakas ng access ng mga PWD sa serbisyong pangkalusugan, kabuhayan, edukasyon, at social protection, gayundin ang mas maayos na implementasyon ng mga benepisyo at diskwento na itinakda ng batas.

Binibigyang-pansin din ang kahalagahan ng koordinasyon sa iba’t ibang tanggapan upang matiyak ang tuloy-tuloy at inklusibong serbisyo.

Sa pamamagitan ng maagang pagpaplano at konsultasyon, inaasahang mas magiging organisado at tumutugon sa aktuwal na kalagayan ng mga PWD ang mga programang ipatutupad ng lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments