Kinumpirma ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na kayang pondohan ng pamahalaan ang mga plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ipagpatuloy ang mga proyektong pang-imprastraktura at palawakin pa ang programa nito.
Sa isinagawang post-SONA Economic Briefing, sinabi ni Diokno na posible ito dahil sa magandang sistema ng buwis na iniwan ng administrasyong Duterte.
Dagdag pa ni Diokno, ang mga reporma tulad ng Amended Public Service Act na maaaring gumamit ng Public-Private Partnership (PPP) ay maaari ding mapagaan ang pagpapatupad ng mga proyektong ito.
Matatandaang, sinabi ni Marcos Jr., na nais niyang tapusin ang mga kasalukuyang proyekto sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) tulad ng North-South Commuter Railway System, ang 33-kilometrong Metro Manila Subway Project at ang 147-kilometrong North-South Commuter Railway System.
Nangako rin ang pangulo na tatapusin ang 12 kilometrong LRT-1 Cavite Extension, ang 23 kilometrong MRT-7, ang Common Station na magkokonekta sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7, gayundin ang Mindanao Railway Project, ang Panay Railway Project at ang Cebu Railway System.