Maaari nang magrekomenda ang mga prosekutor ng Department of Justice (DOJ) ng pagbaba ng piyansa sa indigent persons na nahaharap sa mga kasong krimen na maaaring piyansahan.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa pamamagitan ng pagbaba ng piyansa ay maaari nang makalabas nang pansamantala ang indigent persons kung saan paraan din ito para maiwasan na ang pagsisikip sa mga kulungan o pasilidad.
Nabatid na nasa P10,000 o 50% ang piyansa sa ilalim ng Department of Justice’s 2018 Bail Bond Guide ang maaaring irekomenda ng mga government prosecutor.
Paliwanag ni Remulla, karamihan sa mga kasong isinampa sa korte ay laban o pawang ang mga indigent person ang na-involve ngunit nahihirapan ang mga ito na maglagak ng piyansa na itinakda o inirekomenda ng prosekutor.
Sakop din nito ang mga kasong naka-pending sa first o second level Courts kung saan ang mga prosecutor ay nararapat na masiguro na ang aplikasyon para makalaya nang pansamatala ay nakasaad o nasa ilalim ng Republic Act No. 10389 o ang Recognizance Act of 2012.
Ang mga akusado naman na nahaharap o napatawan ng parusang kamatayan, Reclusion Perpetua o life imprisonment ay hindi pasok sa nasabing guidlines sa pagbibigay ng mababang piyansa.