Muling pag-aaralan ng pamahalaan ang mga protocol para sa Balik-Probinsya Program.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, layunin nitong maresolba ang mga isyu lalo na ang posibleng pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa mga lalawigan dahil sa pagdagsa ng mga uuwing tao.
Maaari aniyang ikunsidera ng pamahalaan na i-require sa mga nais umuwi ng kanilang probinsya na sumailalim sa Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing, na ginagamit bilang confirmatory test para sa COVID-19.
Nabatid na sinuspinde ng pamahalaan ang programa para bigyang-daan muna ang pagpapauwi ng stranded individuals sa Metro Manila patungo sa kanilang mga probinsya.
Nitong Mayo ay inilunsad ng pamahalaan ang “Balik Probinsya, Bagong Pag-asa” program na layong mapaluwag ang National Capital Region (NCR) at mahikayat ang mga tao lalo na ang mga informal settler na umuwi sa kanilang probinsya.