Inihiyag ni Mayor Isko Moreno na hindi excuse o hindi palalagpasin ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang mga proyekto ng mga barangay na nagiging sagabal o obstruction sa mga pedestrian at motorista.
Ito’y kasunod ng araw-araw na clearing operations na isinasagawa sa lahat ng kalsada sa Lungsod ng Maynila kung saan, una nang sinampolan ang isang barangay sa Tondo na inilatag sa gilid ng kalsada ang signage na gawa sa bato na may nakaukit na pangalan ng opisyal.
Ayon kay Mayor Isko, nararapat lamang na ang mga barangay officials ang manguna at sumuporta sa isinasagawang operasyon ng lokal ng pamahalaan sa lahat ng sagabal o obstructions partikular sa kanilang nasasakupan.
Ipinaliwanag pa ng alkalde na lahat ng batas sa Maynila ay pantay-pantay kahit pa nanguna sa proyekto ang barangay pero sagabal naman ito sa publiko.
Muli rin iginiit ni Mayor Isko na may gobyerno na sa Lungsod ng Maynila at wala ng nangyayaring palakasan.
Umaasa ngayon ang alkalde na ang ibang barangay sa lungsod ang magkukusa na linisin sa obstruction ang kanilang lugar sa halip na hintayin pa ang City Engineering office na gumawa nito.
Idinagdag pa ni Mayor Isko na sa simula pa lamang ng kaniyang pag-upo sa pwesto, nais na niyang maiayos ang daloy ng trapiko at maibalik ang bangketa sa mga pedestrian.