
Inaasahang matatapos na sa unang linggo ng Enero ang pagsasaayos ng nasirang Bukidnon-Davao Road sa Sitio Kipolot, Quezon, Bukidnon.
Ito ang sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng mga pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, itutulad ng kagawaran ang mga susunod na proyekto sa mga post-disaster rehabilitation at construction ng mga tulay, kalsada, at ospital.
Inihalimbawa rito ni Dizon ang mabilis na pagbubukas ng Piggatan Detour Bridge sa Alcala, Cagayan na ginawa lamang sa loob ng 60 araw.
Gayundin ang pagsasaayos ng nasirang Cebu Provincial Hospital sa Bogo City, Cebu na nasira ng malakas na lindol.
Ipinagmalaki rin nito ang matagumpay na pagpapatibay sa San Juanico Bridge sa Tacloban City at pagsasaayos sa mga gusaling eskwelahan sa Masbate na nasira ng Bagyong Opong.
Tiniyak naman ng kalihim na ipapatupad ang ang tamang presyo sa mga imprastruktura nang hindi nakokompromiso ang kalidad at kaayusan.









