Mga proyekto sa ilalim ng Barangay Development Program, walang ‘ghost’ o substandard projects – NTF-ELCAC

Tiniyak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na walang ghost at substandard projects sa mga proyektong nasa ilalim ng Barangay Development Program (BDP).

Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto Torres Jr., mahigpit ang guidelines at regular ang monitoring mula sa iba’t ibang antas ng pamahalaan upang matiyak ang kalidad ng mga proyekto.

Kasama rito ang Subaybayan Patrol, na isang online monitoring ng Department of the Interior and Local Government (DILG), gayundin ang personal na pag-inspeksyon ng national, regional, provincial at municipal teams.

Binigyang-diin ng NTF-ELCAC na ang mismong mga komunidad ang nakikilahok sa implementasyon, kaya’t naiiwasan ang “ghost” o pekeng proyekto.

Kahit hindi mga inhinyero ang ilang inspectors, sinasanay naman sila para matukoy kung maayos at tama ang mga ginagawa sa lugar.

Layon ng BDP na maghatid ng mga pangunahing serbisyo at kabuhayan sa mga lugar na dating apektado ng insurgency, tulad ng mga kalsada, silid-aralan, health stations, sistema ng tubig at elektripikasyon.

Facebook Comments