Mga proyektong natapos na, pinondohan pa rin sa ilalim ng panukalang 2026 national budget

Isiniwalat ni House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na may mga kwestyunable at natapos o nakumpleto ng mga infrastructure projects ang may alokasyon sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program o NEP na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM).

Dismayado si Puno, na naglaho naman sa NEP ang mga mahalagang proyekto na iminungkahi ng mga distrito tulad ng mga proyektong tutugon sa pagbaha.

Ayon kay Puno, nakakapanghina ang mga pangyayari kaya dapat ang makikitang may kasalanan dito ay makulong talaga at mapanagot.

Diin ni Puno, kailangan itong imbestigahan lalo’t sa DBM at Department of Public Works and Highways (DPWH) nagmula ang mga dokumento kaugnay sa pambansang budget.

Sinabi ni Puno na nakakalungkot lang na kapag nag-erata ang mga mambabatas para maitama ang mga mali-maling nakapaloob sa NEP ay mapaghihinalaan pa silang may kalokohan.

Ipinunto ni Puno na kung hindi naman kikilos ang mga mambabatas ay sayang ang magagawang proyekto na hindi naman tutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Facebook Comments