Mga proyektong pang-imprastraktura sa Davao Region, pinamamadali ni PBBM

Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Davao Region.

Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng E-titles at Certificates of Condonation sa Panabo City Davao del Norte, sinabi ng Pangulo na masaya siyang masaksihan ang patuloy na pag-unlad ng Davao.

May ispesyal aniyang bahagi sa kanyang puso dahil sa mainit na suporta at pagmamahal na ipinadama ng mga Davaoeño sa kanya noong panahon ng kampanya.


Umaasa naman ang Pangulo na pagbalik niya sa rehiyon ay pasisinayaan na niya ang Tagum City Bypass Road at Island Garden City of Samal Circumferential Road.

Inaabangan na rin umano ang pagbubukas ng Carmen-Tagum City Coastal Road.

Malaking tulong aniya ito sa pagpapabuti ng sitwasyon ng trapiko at transportasyon, at mas bibilis na ang paghahatid ng mga produkto at pagbiyahe sa tourist spots tulad ng mga beach, ilog, at parke.

Magbibigay-daan din ito sa pagpapaunlad ng mga negosyo, turismo, at agrikultura.

Facebook Comments