
Nakababahala para kay Marikina Rep. Marcy Teodoro ang natuklasang mga proyektong natapos na pero muling pinondohan sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Diin ni Teodoro ang mga proyektong naipasok sa NEP ay inihanda ng mga ahensya o galing mismo sa Department of Public Works and Highways o DPWH at hindi sa mga kongresista.
Inihalimbawa ni Teodoro ang slope protection sa Balanti Creek, Barangay Sto. Niño, na natapos noon pang 2023 habang mayroon naman aniyang mga importanteng proyektong pang-imprastraktura ang kulang sa pondo.
Sabi ni Teodoro, marami ding proyekto sa ilang pang mga lugar ang dapat iprayoridad pero hindi kasama sa NEP tulad ng sira-sira o puro lubak na bahagi ng JP Rizal sa Marikina patungong San Mateo Rizal na lubhang delikado sa mga motorista at byahero.
Bunsod nito ay iginiit ni Teodoro na dapat may masusing konsultasyon at koordinasyon ang DPWH sa mga lokal na pamahalaan para matiyak na ang mga proyekto ay nakaayon sa master plan at konektado sa mga drainage system.
Giit ni Teodoro, kung hindi ito gagawin, ay mababalewala lang ang pondong inilaan sa mga proyekto na hindi naman pakikinabangan ng mga mamamayan.









