Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na huwag pilitin ang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) na tumestigo at depensahan ang kanilang pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Sa kanyang “Talk to the Nation Address,” iginiit ni Pangulong Duterte na ginawa ng mga PSG personnel ito bilang “self-preservation.”
Bagama’t hindi niya pinagtatakpan ang ginagawa ng kanyang close-in security team, nagbabala ang Pangulo na magkakaroon ng ‘krisis’ kapag pinuwersa ang PSG na isiwalat ang detalye ng kanilang pagpapabakuna.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na hindi niya alam ang detalye ng kanilang pagpapabakuna.
Dito na inatasan ni Pangulong Duterte si PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III na pagsabihan ang mga tauhan nito na manahimik at huwag dumalo sa mga pagdinig ng mga mambabatas.
Pinayuhan pa ng Pangulo ang mga PSG personnel na gamitin ang ‘right against self-incrimination.’
Hindi rin dapat ipinapa-cite in contempt o ikulong ang mga PSG kapag initiyapuwera nila ang Congressional inquiry.
Kapag may ikinulong na PSG member ay siya na mismo ang pupunta sa Kongreso para palayain ito.
Hindi rin dapat pinagbabantaan ang kanyang mga sundalo dahil ginawa lamang nila ito para protektahan ang kanilang sarili mula sa sakit.
Bukod dito, nagpabakuna ang PSG personnel dahil sila ang nagbibigay ng close in security sa kanya.
Gayumpaman, iginagalang ni Pangulong Duterte ang separation of powers ng Ehekutibo sa Kongreso, kabilang ang karapatan nito sa pagsasagawa ng imbestigasyon – ‘in aid of legislation.’
Pero tanong ng Pangulo, anong batas ang pinupursige ng mga mabambatas para gawin ang imbestigasyon sa pagpapabakuna ng mga PSG.
Nanindigan din si Pangulong Duterte na kailangang mauna ang mga sundalo at pulis sa mga mababakunahan.
Matatandaang nakatakdang maglunsad ang Senado ng imbestigasyon sa susunod na linggo hinggil sa isyu.