Itinutulak ni Senator Mark Villar na magkaroon ng Muslim prayer room sa lahat ng mga pampublikong opisina at mga establisyimento sa buong bansa.
Sa Senate Bill 2288 na inihain ng senador, nakasaad na binibigyang garantiya ng Konstitusyon ang malayang pagpapahayag ng relihiyon ng walang diskriminasyon.
Binigyang-diin ni Villar na ang mga kapatid nating Muslim ay kinakailangang magdasal nang limang beses sa isang araw.
At dahil dito, kailangang mayroong mga available prayer rooms kung saan makakapagdasal sila sa isang tahimik, tuyo at malinis na lugar.
Sa ilalim ng panukala, itinatakda na ang lahat ng mga public offices at establisyimento sa buong Pilipinas ay dapat na magtalaga ng kahit isang hiwalay na Muslim prayer room sa kanilang lugar.
Ang Commission on Muslim Filipinos naman ay inaatasang makipagtulungan sa ibang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa pagbuo ng mga panuntunan na kailangan para sa pagpapatupad ng panukalang batas.