Nakahanda na ang lahat ng pampublikong transportasyon na magbalik operasyon sa oras na sumailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Transportation Assistant Secretary Steve Pastor na aabot sa 4,600 units ng bus ang otorisadong bumiyahe sa National Capital Region (NCR).
Pero sa bilang na ito, 3,662 lamang ang may special permit habang ang natitira ay sasailalim pa sa pagsusuri ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Nagpahayag naman ng kahandaan si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal at Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na luwagan ang quarantine measures sa mga paliparan at pantalan sa bansa.
Tiniyak din ng mga opisyal na kahit magbalik-operasyon ay mahigpit na susundin sa mga airports at pier ang health protocols.
Samantala, sinabi naman ni Philippine National Railways (PNR) Assistant General Manager Atty. Ces Lauta na pinag-aaralan na nilang taasan ang passenger capacity sa 32% mula sa kasalukuyang 27%.
Siniguro naman ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Spokesperson Hernando Cabrera na mai-roroll out na nila ang contactless o e-load para sa train tickets para maiwasan ang hawaan ng sakit sa pagitan ng mga commuters at mga nasa ticket counter.