Mga pulis at sundalo, hindi na pinahaharap ni Pangulong Duterte sa mga kilos protesta ng mga militanteng grupo

Manila, Philippines – Pababayaan lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga makakaliwang grupo na magsagawa ng kanilang kilos protesta hanggang ito ay matapos.

Inatasan kasi ni Pangulong Duterte ang mga pulis at mga sundalo na manatili lamang sa kanilang mga istasyon at kampo at huwag harangin ang mga raliyista.

Paliwanag ng pangulo, gusto kasi ng mga raliyista na may masaktan sa kanilang hanay para maakusahan ang mga pulis at sundalo na nilalabag ang kanilang karapatang pantao.


Ito aniya ang dahilan kung bakit binubuyo o inuudyukan ng mga raliyista ang mga otoridad tuwing sila ay nagsasagawa ng kilos protesta.

Isa aniya itong mapanlinlang na taktika para sirain ang kanyang administrasyon.

Kung gusto aniyang mag rally ng mga militante ay malaya ang mga ito at ang mga pulis na haharap sa kanila ay mga magmamando lamang ng trapiko.

Umapela naman ang pangulo sa mga militante na iwasang manira ng mga ari-arian, wag manakit at huwang humarang sa kalsada.

Facebook Comments