Hindi basta-basta maaaring tanggalin ng mga pulis ang mga illegal campaign materials na kanilang makikita kasabay nang pagsisimula ng campaign period bukas.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol Jean Fajardo, kung may ma-o-obserbahan ang mga pulis na illegal campaign materials ng mga kandidato ay dapat itong i-document at i-report sa Commission on Elections (COMELEC).
Kabilang na rito ang mga campaign materials na nakalagay sa labas ng mga common poster areas, non-authorized places, maging sa mga pribadong lugar o tahanan.
Ani Fajardo, may karapatan ang COMELEC sa pamamagitan ng kanilang local election officers na magpadala ng notice sa mga kandidato na lalabag sa campaign election guidelines at saka magiisyu ng show cause order.
Paliwanag pa ni Fajardo, bilang bahagi ang PNP ng mga deputized agencies ng COMELEC, tutulong ang pambasang pulisya sa poll body upang ipatupad ang mga guidelines at resolusyong may kaugnayan sa election offenses.