Mga pulis Caloocan, idedeploy sa rally sa Huwebes

Manila, Philippines – Kinumpirma ni National Capital Region Police Office Chief Director Oscar Albayalde na itatalaga ang mga sinibak na myembro ng Caloocan police sa naka ambang kilos protesta sa Huwebes, Sept. 21, ang ika-45 taong paggunita ng deklarasyon ng batas militar ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Director Albayalde, ipoposte ang mga ito sa Mendiola, Quirino Grandstand at saan mang pagdarausan ng kilos protesta.

Tiniyak naman ni Albayalde na ipapatupad ng mga kawani ng PNP ang maximum tolerance at hindi sila magbibitbit ng baril.


Pero paalala nito, hindi sila mangingiming buwagin ang hanay ng mga raliyista kapag sila ang nangunang manggulo.

Umaapela naman si Albayalde sa mga demonstrador na papanatilihin ang kaayusan at pairalin ang kahinahunan.

Matatandaang kahapon idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang pasok sa Huwebes upang bigyang daan ang kaliwa’t kanang kilos protesta.

Facebook Comments