Caloocan City – Nagkaharap ang mga pulis Caloocan na ililipat sa ibang lugar at mga pulis galing sa Regional Public Safety Batallion ng National Capital Region Police Office.
Sa relieve in place ceremony na isinagawa sa Northern Police District, nasermunan ni NCRPO Chief Oscar Albayalde ang mga pulis Caloocan dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinasangkutan ng mga ito.
Nakapagtataka ayon sa opisyal na sa kabila ng mga paalala at guidelines na nakasaad sa Police Manual ay bakit tila sinasadyang labagin ito ng mga pulis.
Partikular na tinukoy ni Albayalde ang isang kwestyonableng operasyon kung saan nagnakaw ang ilang pulis Caloocan sa isang bahay nang walang search warrant at hindi nakauniporme.
Kaya naman babala ng opisyal sa mga pulis na magsilbing aral para sa lahat ng pulis ang nangyari sa Caloocan na naging pangit ang imahe.
Sinabi pa ni Albayalde na kung masusunod lang aniya sila ni PNP Chief Ronald Dela Rosa, ay outright dismissal na ang dapat gawin sa mga pulis na gumagawa ng kalokohan.
Payo niya pa, kung hindi kaya magpakatino ng mga pulis ay magbitiw na ito sa pwesto.
Unfair daw kasi ito sa mga pulis na matitino at gumagawa ng kanilang tungkulin lalo na yung nasa gitna ng bakbakan sa Mindanao.
Sa kabuuan, mahigit 1,000 pulis mula sa Caloocan ang ililipat sa ibang lugar.