Mga pulis, dapat na maging ehemplo sa pagsunod sa mga health protocol ayon kay PNP Chief Eleazar

Kinakailangang maging huwaran ang mga pulis sa pagsunod sa mga umiiral na health protocol dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ang paalala ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa kaniyang mga tauhan matapos na mapanood online ang isang video na makikitang sinisita at binibigyan ng ordinance violations receipts ng mga pulis na nakatalaga sa Quezon City ang ilang indibidwal dahil walang suot na face shield pero sila mismo ay hindi nakasuot nito.

Ayon kay PNP chief, sila ang nagpapatupad ng batas kaya dapat sila ang mangungunang susunod dito.


Sinabi pa nito na hindi seseryosohin ng mga sibilyan ang mga regulasyong ipinatutupad kung nakikitang mismong mga pulis ay lumalabag dito.

Pero naniniwala rin si Eleazar na marami sa mga Pilipino ang lumalabag sa minimum health safety standard protocols.

Kaya naman bilin pa rin ni PNP chief sa kaniyang mga tauhan na mas maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga health protocol para maiwasan pa rin ang pagkahawa-hawa ng COVID-19.

Facebook Comments