Magbabantay pa rin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kahit sarado ang mga sementeryo at kolumbaryo simula ngayong araw, alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay Joint Task Force COVID-Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, para makatiyak na walang makakadalaw sa mga sementeryo at kolumbaryo, maigting aniya ang kanilang gagawing police visibility para maging maayos at mapayapa ang paggunita ng Undas.
Mayroon ding mga police assistance desk na pwedeng lapitan ng publiko.
Una nang inutos ng PNP sa lahat ng unit commanders na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit sa pagpapatupad ng health protocol at sa pagpapatupad ng guidelines ng IATF sa mga sementeryo at kolumbaryo.
Sa ngayon, nakakalat na ang 12,000 mga pulis, habang 5,000 force multipliers naman ang kanilang nakakatuwang sa pagbabantay sa paggunita ng Undas.