Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nitong magmamando sa border control points sa apat na katabing lalawigan sa National Capital Region (NCR) na magdala ng patpat o yantok para matiyak na nasusunod ang health protocols ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR+ bubble.
Ayon kay PNP Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang direktibang ito ay bahagi ng patnubay sa lahat ng police commanders sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Gagamitin ang mga patpat para matiyak na nasusunod ang physical distancing at para maiwasang magkaroon ng direct contact ang mga pulis sa publiko habang iniinspeksyon ang mga motorsiklo at iba pang sasakyan.
Ang lahat ng security personnel ay pinapaalalahanang sundin ang minimum health protocols at palaging mayroong Personal Protective Equipment tulad ng face masks, face shields at sanitizers.
Aktibo ring lalahok ang mga PNP personnel sa agresibong vaccination program ng pamahalaan partikular sa pagbiyahe ng mga bakuna at pagpapanatili ng seguridad sa vaccination sites.
Magiging bahagi rin ang PNP sa Epidemio-Logical Surveillance Unit na siyang magpapatupad ng OPLAN Kalinga, isang agresibong monitoring at contact tracing program.