Mga pulis, magsisilbing quarantine rules supervisors sa mga barangay sa harap nang muling paghihigpit sa pagpapatupad ng mga health protocols

Utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa sa mga police commanders na magtalaga ng mga tauhan na magsisilbing quarantine rules supervisor sa bawat barangay.

Ito ay upang makatulong sa pagpapatupad ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na istriktong ipatupad ang pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, aakto bilang team lider ng mga barangay security officers o barangay tanod ang pulis para manghuli ng mga lumalabag sa minimum health safety protocols.


Para kay Eleazar ang presensya ng mga pulis sa mga barangay ay hindi lamang para mabawasan ang krimen kundi mapilitang sumunod ang mga tao sa ipinatutupad na minimum health safety protocols partikular ang pagsusuot ng face mask at physical distancing.

Batay sa mga reklamo at reports na natatangap ng JTF COVID Shield, marami sa mga Pilipino ang nagiging kampante na at hindi na sumusunod sa mga health safety protocols simula nang luwagan ang mga quarantine restrictions sa kabila nang mataas pa rin na banta ng COVID-19.

Facebook Comments