Mga pulis na ayaw magpabakuna, posibleng i-reassign sa mga lugar na may mababang COVID-19 infections

Posibleng i-reassign ng Philippine National Police (PNP) sa mga island provinces ang mga tauhan nito na ayaw magpabakuna.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, base sa kanilang online survey, 6% mula sa kabuuang bilang ng mga pulis sa bansa ang ayaw magpabakuna.

Ayon kay Eleazar, iginagalang nila ang karapatan ng mga pulis na tumangging magpabakuna pero pinag-iisipan din nilang ilipat sila sa mga lugar na wala o may mababang COVID-19 infections para sila ay maproteksyunan.


“Ayaw nila magpabakuna, e andito sila sa Metro Manila na alam naman natin na ang taas ng impeksyon, hahanap tayo ngayon ng lugar na talagang mababa ang infection, walang infection, i-reassign natin. May mga island province na walang infection, e di doon sila para walang panganib sa kanila. Yun naman e concern natin yun sa kanila, di ho ba?” ani Eleazar sa interview ng RMN Manila.

Sa ngayon, ayon kay Eleazar, nasa 30% na ng mga pulis sa buong bansa ang fully vaccinated at 30% ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine.

Habang dito sa National Capital Region (NCR), 45% na ang fully vaccinated at 43% ang naturukan na ng unang dose.

Target ng PNP na maturukan ang lahat ng pulis sa ncr hanggang sa katapusan ng Agosto.

Facebook Comments