Mga pulis na idineploy sa nakalipas na Holy Week mananatili pa rin sa kanilang mga area

Hindi pa rin pinapayagan ng pamunuan ng Philippine National Police na umalis sa kanilang mga post ang mga pulis na ideneploy sa nakalipas na Holy Week.

Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, sa kabila na nagbaba na ng alerto ang ibang PNP regions, at deactivated na ang Reactionary Support Force ng PNP national headquarters para sa SUMVAC 2019 o Summer Vacation 2019 ay inutos nyang manatili sa mga police assistance centers ang mga ideneploy na pulis.

Aniya hihintayin nilang nakauwi na ang lahat ng mga travellers o mga bumyahe nitong Semana Santa bago alisin ang mga pulis sa kanilang area para magbantay.


Ipinagmalaki naman ni Albayalde na sa kabila ng mga dami ng insidente ng pagkalunod at naitalang mga vehicular incident naging mapayapa sa kabuuan ang paggunita ng Holy week.

Batay sa monitoring ng PNP nakapagtala sila ng 56 namatay at 128 na mga sugatan sa nakalipas na Holy Week dahil sa 88 mga insidente.

Sa bilang na 56 na namatay 45 ay namatay dahil sa pagkalunod at 8 ay namatay dahil sa magkakahiwalay na vehicular accidents.

Sinabi naman ni Albayalde na magsilbi sanang eye opener sa mga agency ng gobyerno na pagigtingin ang kanilang mga programa kaugnay sa personal safety at road safety awareness.

Facebook Comments