Mga pulis na magsisilbing quarantine rules supervisor, idedeploy na sa mga barangay

Inutusan na ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar ang mga local police commanders na isumite ang mga pangalan ng kanilang mga tauhan na magiging Quarantine Rules Supervisor (QRS) sa bawat barangay.

Sinabi ni Eleazar, magkakaroon ng QRS ang 42 libong barangay sa buong bansa na siyang magmamando sa mga tanod sa pagpapatupad ng mga quarantine regulations.

Aniya, sa pamamagitan nito, mas magiging malaki ang responsibilidad ng mga pinuno ng barangay sa pagtiyak na sumusunod sa quarantine regulations ang kanilang mga residente.


Ang presensya ng pulis ay para tiyakin na sumusunod ang mga tao sa kanilang mga barangay tanod.

Bukod sa mga barangay tanod, ang mga City at Municipal Public Order and Safety personnel ay tutulong din sa enforcement ng quarantine regulations sa mga places of convergence tulad ng mga palengke.

Ayon kay Eleazar, ang istriktong pagpapatupad ng mga quarantine regulations sa barangay level ay para matiyak na bawat komunidad ay mapapangalagaan laban sa pagkalat ng COVID-19.

Facebook Comments