Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) kung may mga pulis ang kasama sa mga nagbaklas ng mga campaign material ng mga kandidato kahit nasa private properties.
Ito ay makaraang umalma ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa inilunsad na Oplan Baklas ng Commission on Elections (COMELEC) na anila’y paglabag sa karapatan ng mga botante maging sa batas.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Jean Fajardo, kakastiguhin ang sinumang pulis na nagbabaklas ng campaign materials sa private properties lalo na kung ito ay authorize ng may-ari.
Mahigpit ang paalala ng pamunuan ng PNP sa kanyang mga tauhan na maging non-partisan o walang kinikilingan sa panahong ito ng halalan.
Ang toka aniya ng PNP ay ang pagbabantay sa seguridad ng mga botante at kandidato habang ang COMELEC, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang siyang bahalang magbaklas ng mga campaign poster sa mga hindi common poster area.