Mga pulis na nagbitiw at sangkot sa operasyon ng iligal na droga, pinakakasuhan

Pinasasampahan ng kaso ng ilang mga senador ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na isinasangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Kabilang na rito ang tatlong heneral at 15 colonels na unang nagsumite ng kanilang courtesy resignation sa pangulo.

Giit dito ni Senator Jinggoy Estrada na Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, hindi lang dapat matapos sa resignation ang atraso ng mga opisyal sa gobyerno kundi dapat ay makasuhan at makulong din ang mga ito.


Pagpapaliwanagin naman ni Estrada ang PNP dahil hindi kasama sa listahan ng mga nagbitiw ang mga pulis na dawit sa imbestigasyon ng Senado sa P6.7 billion shabu haul.

Para naman kay Senator Francis Tolentino, kasong kriminal at administratibo ang ihain sa mga pulis upang matiyak na hindi na sila makakabalik sa serbisyo.

Sinabi naman ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na hindi dapat tumigil ang PNP at DILG sa pagsasaliksik ng mga ebidensya laban sa mga isinasangkot na opisyal upang masigurong mananagot sila sa batas.

Facebook Comments