Mga pulis na naka-deploy sa mga quarantine control point, bibigyan na rin booster shots

Susunod na bibigyan ng booster shot ng bakuna ang mga police frontliner na nakatalaga sa mga quarantine control point.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos kaugnay sa pagsisimula ngayong araw ng pagbibigay ng booster shot sa mga medical frontliner ng PNP sa Camp Crame.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Joselito Vera Cruz, inaasahang aabot sa 666 medical frontliners ng PNP Health Service ang unang batch na matuturukan ng booster shot mula sa 111 vials na katumbas ng 666 dose ng Pfizer vaccine na natanggap ng PNP mula sa Department of Health noong nakaraang linggo.


Aniya pa, prayoridad nilang maturukan sa ngayon ang 1,300 health personnel na 8 buwan na ang nakalipas mula nang matanggap nila ang kanilang second dose.

Samantala, sinabi pa ni PNP chief na kasabay ng pagbibigay ng booster shot sa kanilang mga frontliner, tuloy-tuloy rin ang pagbabakuna sa mga dependent ng PNP personnel.

Facebook Comments