Mga pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu, “restricted to quarters” na

Limitado na ang galaw o ‘restricted to quarters’ na ang mga pulis na miyembro ng Jolo Municipal Police Station na nakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu kahapon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, ginawa ito ng pamunuan ng PNP sa mga pulis na sangkot sa insidente bilang paghahanda sa gagawing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inatasan na rin ng pamunuan ng PNP si Police Brigadier General Manuel Abu, ang Regional Director ng Police Regional Office-BAR, na ibigay ang lahat ng administrative at operational support sa NBI para sa gagawing imbestigasyon.


Inihayag din ni Banac na napagkasunduan mismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP Officials na ang NBI ang gumawa ng imbestigasyon para masigurong magiging patas ang resulta ng imbestigasyon.

Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng PNP sa naiwang pamilya ng mga namatay na sundalo.

Facebook Comments